Disaster Risk Reduction Training Manual (1st Edition) Module 1: Community-Based Disaster Risk Management
Pambungad
Sa gawaing disaster risk reduction (DRR) o pagbabawas ng risk ng disaster sa mga komunidad, nilalayong mapababa ang bulnerabilidad ng mga mamamayan at mapataas ang kanilang kapasidad sa paghahanda at pagharap sa mga negatibong epekto na dulot ng mga panganib o hazard.
Kadalasan, ang mga lugar na paulit-ulit na tinatamaan ng mga hazard ay mga mahihirap na komunidad. Hirap ang mga komunidad na ito na bumangon pagkatapos masalanta ng sunud-sunod na disaster na kumikitil ng buhay at sumasalanta ng kabuhayan.
Maraming bayan at munisipyo sa Pilipinas ang hindi ligtas sa paulitulit na pananalanta ng mga disaster tulad ng bagyo, baha, landslide at lindol. Ito ay dahil sa ang lokasyon ng bansang Pilipinas ay nasa tabi ng malawak na Pacific Ocean kung saan namumuo ang napakaraming bagyo. Dagdag pa rito, ang ating bansa ay nakapaloob sa tinatawag na Pacific Ring of Fire kung saan matatagpuan ang mga aktibong bulkan at mga earthquake fault na nagdudulot nang malalakas na lindol at tsunami. Dahil sa bulnerableng kalagayan, malaki ang pangangailangang maihanda ang mga mamamayan sa mga pagkakataong nangyayari ang mga hazard upang mabawasan ang mga pinsalang dulot ng mga ito. Malaki ang pangangailangang mapalakas ang mga kapasidad ng mga mamamayan upang mabawasan ang mga risk ng disaster at mapabilis ang kanilang pagbangon mula sa pagkakasalanta.
Ano ang Proyektong ACCORD?
Ang Proyektong ACCORD o “Strengthening Assets and Capacities of Communities and Local Governments for Resilience to Disasters” ay naglalayong palakasin ang mga kapasidad ng mga komunidad na bawasan ang risk ng mga disaster. Ipinatutupad ang proyektong ito sa 16 na barangay at 20 paaralan sa mga munisipyo ng Dingalan sa Aurora, Calabanga sa Camarines Sur at St. Bernard sa Southern Leyte. Pagsasanay sa Disaster Preparedness at Contingency Planning.
Ang proyekto ay sinusuportahan ng European Commission’s Humanitarian Aid Department (ECHO) at ng Corporate Network for Disaster Response
(CNDR).
Ang tatlong munisipyong sakop ng proyekto ay matatagpuan sa eastern seaboard ng bansa na madalas daanan ng mga bagyong nagmumula sa Pacific. Ang mga lugar na ito ay hindi lang minsang nakaranas ng mga matitinding landslide, baha, bagyo at lindol. At katulad ng karamihan ng mga bayan sa Pilipinas, ang mga bayang nabanggit ay mahihirap at kulang sa kakayahang magsagawa ng mga hakbang upang mabawasan ang mga risk at makabangon pagkatapos masalanta ng disaster.
Sa layunin ng ACCORD PROJECT na mapalakas ang kakayahan ng mga mamamayan sa mga bayang ito, kinilalang isang natatanging paraan ang gawaing community training. Batay sa karanasan ng proyekto, napatunayang ang community training ay isa sa mga epektibong pamamaraan upang palakasin ang kapasidad ng mga komunidad na madalas masalanta ng mga disaster.
Ang pagbibigay ng tamang kaalaman sa pamamagitan ng wastong pagsasagawa ng mga training sa mga barangay at munisipyo, partikular sa mga miyembro ng barangay disaster coordinating council (BDCC) at municipal disaster coordinating council (MDCC), mga guro at estudyante sa mga paaralan, at sa karamihan ng miyembro ng komunidad, ay naging daan upang sila ay ma-organisa bilang disaster-resilient communities o mga komunidad na may kakayahang umangkop sa kalagayan at mabilis na makabawi mula sa pinsalang dulot ng disaster.
Hindi naging madali para sa proyekto ang pagbibigay ng mga training sa mga barangay. Nariyan ang kahirapan sa pagsalin ng mga salitang Inggles sa salitang nauunawaan ng mga taga-komunidad, ang kahirapan sa pagpapaintindi sa ilang terminong siyentipiko (scientific term), ang kahirapan sa pagkakaroon ng libreng panahon ng mga kalahok, at marami pang ibang problema kaugnay sa maayos na pagdaraos ng training.
Nguni’t dahil sa ang community-based training ang ubod ng ACCORD PROJECT, naging malikhain ang proyekto sa paggampan ng gawaing ito. Isang natukoy na paraan upang matugunan ang mga suliranin ay ang Community-Based Disaster Risk Management pagkakaroon ng mga Community Facilitator (CF). Ang mga CF ay binubuo ng mga miyembro at lider ng komunidad na may interes, kakayahan, at panahon upang dumalo sa iba’t ibang mga training tungkol sa pagbabawas ng risk ng disaster o disaster risk reduction (DRR). Sila ang naging katuwang ng proyekto sa iba’t ibang gawain kabilang na ang pagmomobilisa ng mga kasamahan sa komunidad para sa drill o para sa pagpapatupad ng small-scale mitigation project. Partikular sa pagsasagawa ng community training, ang mga CF ang tumutulong sa pag-aangkop ng mga kurso sa sitwasyon ng komunidad. Kinalaunan ay tumulong na rin sila sa pagdaos ng mga training o kaya’y kasama na bilang miyembro ng training team. Mula sa karanasan nila, nakukuha ang ilang mga mahahalagang termino at mga halimbawang nauunawaan ng lahat ng taga-barangay. Sila ang naging ugnay at katuwang ng mga staff ng ACCORD PROJECT upang mapahusay at mapadali ang pagsasagawa ng mga training sa barangay.
Naging bahagi ng ACCORD PROJECT ang pagkakaroon ng serye ng mga capacity-building activity para sa mga BDCC, MDCC at CF. Nakita rin ang malaking pangangailangan para sa pagkakaroon ng mga instructional at reference material upang lalong mapadali para sa mga mga piling miyembro ng mga DCC, at mga CF ang pagbibigay ng training. Kaugnay nito, naglabas ang ACCORD PROJECT ng mga instructional material katulad ng mga flipchart, photo set at mga poster na ibinahagi sa mga komunidad na sakop nito. Sa pamamagitan ng mga instructional material na ito, mas madaling maipaaabot ang mahahalagang mensahe sa mga estudyante, mamamayan at mga opisyal ng barangay at munisipyo.
Maganda ang iniluwal na resulta ng labinlimang buwang proyektong ito. Sa mga munisipyo ng St. Bernard at Calabanga, naging aktibo ang lokal na pamahalaan hindi lamang sa pagbuo ng kanilang contingency plan kundi pati na rin sa pagkokonsidera sa DRR bilang bahagi ng kanilang taunang pagpaplano. Naging aktibo rin ang karamihan ng barangay sa tatlong munisipyo sa pagbuo ng kani-kanilang mga contingency plan at paglahok sa ilang mga small-scale mitigation project tulad ng pagtatanim ng mga bakawan at mga punong-kahoy, at pagtatayo ng mga gabion.
Sa mga pakikipanayam sa mga miyembro ng komunidad, nalaman ng proyekto na marami ang may pananaw na naging mapagpasya (crucial) ang pagkatuto nila mula sa serye ng mga training. Noon, inisip nilang Pagsasanay sa Disaster Preparedness at Contingency Planning pananakot lamang ang itinuturo sa mga training at walang inihahaing mga posibleng hakbang upang makaangkop ang komunidad kung kaya’t magiging kanya-kanya lamang ang kanilang pagtugon sa mga hazard. Sa pagsasara ng proyekto, dahil na rin sa paglahok nila sa mga training, naging positibo na ang kanilang pananaw dahil ang mga kaalamang naibahagi sa kanila ay nakapawi ng takot at nakatulong upang malaman nila ang mga hakbang na dapat nilang gawin bilang paghahanda sa pagdating ng mga mapaminsalang disaster — hindi lamang bilang mga indibidwal kundi bilang isang komunidad.
Bakit may Training Manual?
Sadyang bahagi ng layunin ng ACCORD PROJECT ang pagpapahusay ng kakayahan ng mga BDCC, MDCC at CF sa pagbibigay ng training upang maihanda sila sa kanilang tungkulin. Inaasahang ipagpapatuloy ng mga BDCC, MDCC at CF ang pagbibigay ng training at pagbabahagi ng mga mahahalagang kaalaman sa mga kababayan nila at maging sa mga katabing barangay. Sa ganitong paraan matitiyak na maipagpapatuloy nila ang sinimulan ng proyekto.
Ito ang naging layunin sa paglalabas ng Training Manual na ito: ang makatulong na mapadali at mapagaan ang pagdaraos ng mga gawaing DRRtraining bilang isang paraan sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga bulnerableng komunidad upang matugunan ang kanilang sariling kalagayan at mga pangangailangan.
Tinutugunan nito ang pangangailangan para sa isang gabay sa pagbibigay ng community-based DRR training kung saan ang isa sa mahahalagang layunin ay ang makabuo ng contingency plan. Gabay ito upang makabuo ng disenyo para sa balak na isagawang training. Kumpleto ang mga modyul at mga session plan na isinulat ayon sa lohikal na pagkakasunud-sunod nito. Ito ay isang simpleng gabay na madaling sundan at maaaring ilapat sa mga pangangailangan ng ibang mga barangay at mga organisasyong DRR, kung kinakailangan.
Ang mga nilalamang modyul at session plan ay dumaan sa mahabang proseso ng pananaliksik at pagkukumpara sa mga modyul ng ibang organisasyon, pagbubuo ng sariling modyul ayon sa pangangailangan Community-Based Disaster Risk Management ng proyekto, pilot testing, at pagpipirmi ng nilalaman. Sa pagsasagawa ng sunud-sunod na training sa lahat ng barangay na sakop ng ACCORD PROJECT, idinadaan ang bawat isa sa pagtatasa upang mapulot ang mga aral mula sa mga ito. Ang mga aral na ito ay ginamit upang lalong pagyamanin ang mga modyul na nilalaman ng manual na ito.
Ang manual ay isang sanggunian (reference material) para sa lahat ng nagbibigay ng DRR training. Madali itong gamitin bilang sanggunian ng mga nagbibigay ng DRR training dahil simple ang pagsalin at pagbuo ng mga kahulugan ng mga terminong syentipiko na ginamit dito. May paglalarawan din sa mga konsepto at salitang mahirap maintindihan ng karaniwang tao. Ang mga pakahulugan ng mga salita at mga halimbawa ay batay sa iba’t ibang libro, pananaliksik, at mga kasulatang mapagkakatiwalaan at wasto tulad ng mga inilimbag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), at iba pa. Binabanggit din sa bawat session plan ang mga pinagsangguniang materyal upang mabalikan at mapag-aralang mabuti ng sinumang nais pang palawigin ang kanyang kaalaman tungkol sa mga paksang tinatalakay rito.
Isa rin itong sourcebook o pagmumulan ng mga datos, mga halimbawa, ehersisyo, at pamamaraan na pawang mahalaga upang madaling makapagsagawa ng mga DRR training.
Sa kabuuan, isa itong dokumento ng karanasan ng proyektong ACCORD at ng mga mamamayang gumampan sa kanilang mga tungkulin upang mapalakas ang kanilang kakayahang harapin ang mga epekto ng disaster.
Saklolo!
Ang manual na ito ay hindi lamang para sa mga CF kundi para sa lahat ng nagsasagawa ng proyektong DRR sa mga komunidad. Ang manual na ito ay may mga katangiang madaling unawain, simple ang pagkasulat at pangkaraniwan ang mga halimbawang ginamit.
Bagamat para sa lahat ang manual na ito, pangunahing nakalaan pa rin ito para sa mga CF, BDCC at MDCC na magpapatuloy ng gawaing training sa kanilang lugar, mayroon mang proyektong ACCORD o wala. Pagsasanay sa Disaster Preparedness at Contingency Planning Sa pagtatapos ng proyekto, ang manual ang magsisilbing takbuhan ng mga miyembro ng BDCC, MDCC, at mga CF sa pagbibigay ng mga training sa komunidad. Ang manual na ito ay makatutulong sa mga problemang maaaring kaharapin sa pagdaraos ng training sa komunidad.