Disaster Risk Reduction Training Manual (1st Edition) Module 2: Disaster Preparedness
Ilang Tala Hinggil sa Modyul
Ang modyul na ito ay binubuo ng mga sesyon na tutulong sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga kalahok upang maging handa sa mga panganib na nakaamba sa kanilang mga komunidad. Sa modyul na ito, ang mga konsepto at mga pamamaraan tungkol sa gawaing pagbawas ng risk ay gagamitin ng mga kalahok upang maisagawa, sa pamamagitan pangunahin ng mga workshop at mga pagsasanay, ang mga kasanayan sa paghahanda tulad ng community risk assessment, early warning system, evacuation planning, contingency planning, at iba pa. Pagkatapos ng modyul na ito, ang mga kalahok ay magkakaroon na ng ilang mahahalagang bahagi ng isang barangay contingency plan (kung sila ay mga taga-barangay) o municipal contingency plan (kung ang mga kalahok sa pagsasanay ay mga taga-Municipal Disaster Coordinating Council).
Ang mga kasanayan na matututunan sa modyul na ito ay tutulong upang maging mataas ang antas ng kahandaan ng mga kalahok, at makatugon sila nang mas mahusay sa mga pangangailangan sa panahon ng disaster. Inaasahan ding batay sa mga pagsasanay at workshop, lalong makikilalang mga kalahok ang mga disaster na maaaring mangyari sa kanilang komunidad at mabibigyan sila ng batayan upang makapagdesisyon kung anong uri ng tugon ang kaya nilang isagawa sa oras ng disaster.
Bago mag-umpisa ang training sa modyul na ito, ipaliliwanag ng tagapagpadaloy na sa loob ng tatlong araw na training ay magkakaroon ng isang earthquake drill. Hindi sasabihin kung kailan ito gagawin. Kailangang maghanda ang mga kalahok at ituturo ng tagapagpadaloy kung ano ang mga dapat nilang gawin kapag kunwaring lumilindol na.