Disaster Risk Reduction Training Manual (1st Edition) Module 4: Gabay sa Pagsasagawa ng Isang community Drill
Ilang Tala Hinggil sa Modyul
Sa pagtatapos ng tatlong (3) modyul at sa pagkabuo ng contingency plan (CP) ng komunidad, ang mga sumusunod ang karaniwang tanong ng lahat:
- Bakit mayroon pang modyul: “Gabay sa Pagsasagawa ng
isang Community drill” na daraanan gayong sinasabi na
ang pinaka-layunin ng mga pagsasanay ay ang pagbubuo
ng contingency plan at nakamit na ang layuning ito
pagkatapos ng modyul: “Pagbubuo ng Contingency Plan”? - Kung may Contingency plan na ang komunidad, kaya na ba nitong harapin ang susunod na darating na panganib?
- Ano kaya ang mga problemang maaaring kaharapin pagdating ng panahong may disaster?
Pagkatapos ng modyul: “Pagbubuo ng Contingency Plan,” dapat may nabuo at nakasulat nang contingency plan ang komunidad. Hindi nga lamang ito matatawag na isa nang mahusay na contingency plan na maaasahan sa panahon ng disaster sapagkat hindi pa ito dumaan sa pagsubok. Ang pagsusubok sa ilang bahagi ng contingency plan ay ginagawa sa pamamagitan ng isang community drill. At sa pagsasagawa lamang ng isang community drill malalaman kung epektibo ang nabuong contingency plan para sa kanilang komunidad.
Ang modyul na ito tungkol sa “Gabay sa Pagsasagawa ng isang Community drill” ang huling bahagi ng serye ng mga modyul ng Disaster Preparedness at Contingency Planning na ibinabahagi sa komunidad upang makabuo sila ng isang epektibong contingency plan. Dahil dito, may mga bahagi ng contingency plan na tinitiyak na makasanayan ng komunidad upang maging epektibo ang pagsasagawa nito sa aktwal na sitwasyon. Kabilang sa mga bahagi ng contingency plan na dapat kinakabisa ng komunidad ay ang early warning system (EWS) at plano ng paglikas o evacuation plan.
Ang modyul na ito ang makatutulong sa gagawing pagsubok ng komunidad sa kanilang CP sa pamamagitan ng isang community drill.
Ang kondukta sa modyul na ito ay hindi katulad sa dalawang naunang modyul. May pagkakahawig ito sa ikatlong modyul na workshop ang pangunahing pamamaraan ng pagsasanay. Dito, ang kondukta ng drill ang mismong porma ng training at ang pagkatuto ay sinusukat mula sa resulta ng pagtatasa sa isinagawang community drill. Ang pagiging matagumpay ng isang community drill ay nakasalalay hindi lamang sa mga nag-oorganisa nito at sa mga miyembro ng BDCC kundi maging sa buong komunidad. Sa aktwal, malaki ang papel na gagampanan ng buong komunidad sa ikatatagumpay ng aktibidad na ito. Sa kabuuan, ang pagsuporta o di-pagsuporta ng sinuman sa nabanggit (nag-oorganisa ng drill, BDCC, at buong komunidad) ay mangangahulugan ng epektibo o di-epektibong pagsasagawa ng community drill.
Mahalagang tandaan natin na ang aktwal na community drill ay idinaraos sa loob lamang ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) oras. Bagamat maikli lang ang pagsasagawa ng aktwal na drill, ang paghahanda naman upang maidaos ito ay hakbang-hakbang na gagawin sa loob ng halos dalawang buwan. Nahahati sa tatlong bahagi ang buong modyul na ito:
1. Paghahanda para sa community drill;
2. Pagsubok sa kakayahang tumugon sa disaster; at
3. Mga gawain pagkatapos ng community drill.