Ugnayan at Bahaginan: The Haiyan Experience | Ako Bilang Isang Community Facilitator o CF
by Cherrylyn A. Libatique, Bgy. Caltayan, La Paz
Ako si Cherrylyn A. Libatique, dalawampu’t anim na taong gulang, naninirahan sa Barangay Caltayan, La Paz, Leyte. May asawa at apat na anak, dalawang babae at dalawang lalaki. Simple lang kaming namumuhay, mahirap ang buhay namin. Ang bahay namin ay munting kubo lamang at ang kinikita ng asawa ko ay kulang pa sa aming pang araw-araw na pangangailangan. Mas lalo pa kaming lumubog sa hirap nang dumating ang unos na bagyong Yolanda. Nawasak ang aming munting kubo at nawalan ng trabaho ang asawa ko. Naranasan naming matulog sa tangkil-tangkil* na bahay at magutom. Akala ko hindi na kami makakaahon sa hirap dahil wala na kaming mapagkukuhanan ng pagkakakitaan dahil sa kawalan ng niyog na siyang pangunahing hanapbuhay namin.
Malaki ang pasasalamat ko nang dumating ang NGO na ACCORD. Una, nagbigay sila ng pagkain at pangalawa ay ang shelter repair kit. Hindi ko inaasahan na makuha ako bilang myembro ng shelter roving team. Sa General Assembly sinabi ng ACCORD Staff na kailangan ng tatlong volunteer para sa team, dalawang karpintero o panday at isang babae na community mobilizer. Lahat ng tao sa barangay ay nagturuan, walang may gustong mag-boluntaryo. Nakita ako ng aming kapitan at sinabihan ako na ako ang mag-volunteer. Agad ko ding tinanggap ang sabi ng kapitan dahil hindi matatapos ang general assembly kapag walang magboluntaryo at gusto ko rin naman ang tumulong sa aming barangay. Nang makumpleto na ang shelter roving team saka sinabi ng ACCORD staff na may allowance ang tatlong volunteer, na ikinagulat ng lahat at pinanghinayangan. Hindi ko rin naman inaasahan na may allowance pero malaki ang pasasalamat ko dahil ang nakuha kong allowance ay nagamit ko upang maipaayos ang aming bahay at nakabili ng kaunting gamit para sa aking pamilya.
Dahil dito, malaki ang pasasalamat ko sa ACCORD sa oportunidad na ito kung saan nagsimula akong maging aktibo sa aming barangay. Sa mabuting palad ay sumusunod rin at nakikinig ang aking mga ka-barangay sa akin. Lumabas na may kakayahan naman pala ako at masaya ako na nakita ito ng ACCORD. At ang kakayahang yun marahil ang nakita nila upang kunin akong maging isang Community Facilitator (CF) sa susunod na phase ng proyekto nila. Sa aking pagkaunawa, batay sa paliwanag ng ACCORD, ang isang CF ay pangunahing magbibigay ng suporta sa kanila sa pagsagawa ng mga aktibidad sa barangay. Bilang isang CF, tutulong ako sa paglilinaw sa mga tanong ng ACCORD tungkol sa aming lugar at ako din ang magpapaliwanag o maglinaw sa mga kasamahan ko sa barangay kapag may hindi maintindihan sa mga sinasabi ng ACCORD.
Napakalaki ng naitulong ng oportunidad na ito upang maipalabas at mapalakas ang aking mga kakayahan o skills. Hindi na ako mahiyain at marunong na akong gumawa din ng mga gawaing pang-opisina (paper works) tulad ng training preparation, liquidation, pag-organisa ng mga nakuhang datos sa komunidad at iba pa. Nahasa din ang aking pagsasalita sa harap ng maraming tao at hindi na ako natatakot at nahihiya, tulad sa pagbibigay ng training sa disaster risk reduction (DRR). Bilang CF, tungkulin ko ding mag-aral ng mabuti upang magampanan ko ang aking papel na maglilinaw o makatulong sa pagpaunawa sa aking ka-barangay.
At isa sa pinakamatingkad kong natutunan ay ang tungkol DRR. Ngayon ay naiintindihan ko na kung ano ang hazard, bulnerabilidad, kapasidad, risk, climate change, resilience atbpa. Nakita ko din paano maghanda para sa community drill at ang mismong kondukta ng drill.
Nagustuhan kong mag-volunteer dahil sa dagdag na karanasan at kaalaman. Ang mga natutunan ko ay madadala ko hanggang sa aking pagtanda. Patuloy akong magiging actibo sa aming komunidad dahil sa nakuha kong mga kaalaman at mga natutunan sa ACCORD.
*Tangkil-tangkil – bahay na gawa sa kahit anong material na pinagtagpi-tagpi lamang