Ugnayan at Bahaginan: The Haiyan Experience | Mga Simpleng Paraan sa Pagpatibay ng mga Bahay Namin at ng Aming Komunidad
(Building back better and safer by mainstreaming DRR in shelter project)
Ni Cristita Villablanca
Bgy. Macaalang, Dagami
Magandang umaga sa inyong lahat. Ako si Cristita Villablanca isang residente ng Brgy. Macaalang, Dagami, Leyte at isa sa mga napiling miyembro ng roving team sa shelter project ng CARE at ACCORD. Noong hindi pa tumatama ang bagyong Yolanda, masasabi ko na maayos ang pamumuhay sa barangay namin sa kadahilanang marami pa ang nakukuhang produkto sa niyog tulad ng copra na siyang pangunahing kabuhayan ng karamihan ng mga residente. Masasabi ko rin na sa mga panahon na iyon ay medyo nakaka-angat ang mga tao dahil marami pa ang nakakapag-aral ng high school sa poblacion ng barangay. Napansin ko rin dati na sa paggawa ng bagong bahay ay walang sinusunod na mga pamamaraan sa pagtayo o pagkukumpuni. Basta makagawa lang ng bahay ay tama na.
Sa pagtama ng Bagyong Yolanda ay naranasan namin ang pinaka matinding pagsubok na nangyari sa barangay namin. Halos naubos ang lahat ng pananim. Natumba halos lahat ng mga niyog. Nasira lahat ng mga bahay namin. Nagutom, naghirap at nagdusa kaming lahat. Nawala ang pangunahing pinagkukunan namin ng ikinabubuhay – ang mga niyog. Nagresulta ito sa paghinto ng mga anak namin sa pag aaral at lalong tumindi ang paghihirap namin.
Dumaan ang ilang buwan bago namin nakilala ang CARE at ACCORD. Noong Pebrero 2014, nagdala sila ng pagkain sa aming barangay na nagpagaan ng konti sa aming kalagayan. Lumipas ulit ang ilang buwan, bumalik ang CARE at ACCORD noong Agosto. Sa panahon na ito, ay hindi na food kung hindi ay shelter repair kits naman ang dala nila sa aming barangay. Dito na sa shelter project ako ay naging aktibong nakibahagi sa proyekto ng ACCORD bilang community mobilizer ng Shelter Roving Team.
Ang shelter roving team o SRT ay binubuo ng dalawang panday na lalaki at isang community mobilizer na babae na taga-barangay din. Nabuo ang SRT bilang isang pamamaraan na masiguro na nagagawa ang mga itinatayo o kinukumpuning mga bahay ayon sa mga tinurong mga teknik sa BBBS.
Nagkaroon kami ng mga pagsasanay para sa mga panday para ituro ang ibat ibang pamamaraan na mas mapatibay ang aming mga tirahan. Dito ko nalaman ang ibat ibang estilo sa pagpapatibay tulad ng 3 feet dapat ang minimum na lalim ng mga poste at dapat ay may ginawang ankla sa ilalim nito para hindi madaling madala ng hangin ang bahay pag bumagyo. Ang maganda pa dito ay kahit hindi panday ay maaaring sumama sa training upang matuto.
Marami akong natutunan sa pagiging community mobilizer ng roving team. Bilang community mobilizer, responsibilidad ko ang pag-monitor sa mga ginagawang mga bahay. Tinitignan ko kung nasusunod nga ba ang mga tinurong pamamaraan ng pagpatibay ng bahay. Sinusundan ko ang pagsimula at pagtapos at ang mga may problemang paggawa. Ang mga bagay na dati ay mga lalaki lang ang may alam sa barangay namin ay nagbago na. Alam ko na din ngayon, at ng iba pang mga nanay. Kailangan kong malaman ng mabuti upang alam ko din ang mga hindi tama ang pagkakagawa. Umabot din sa punto na habang isinasagawa ang proyekto sa barangay, ang mga nagpapanday na mismo ang nagtatanong sa akin kung eksakto at tama ba ang ginagawa nila. Minsan din hindi maiwasan na pinapaulit ko ang ginawa nila. Kinakailangan ng masinsing pag papaliwanag at pagpapaintindi na dapat maayos ang pagkakagawa ng mga bahay dahil kami din mismo ang titira at makikinabang.
Naging bago rin para sa akin at sa buong barangay ang naging paraan ng pagpapatupad ng shelter repair project ng ACCORD. Ang pagtatayo ng mga bahay ay isinasagawa sa pamamagitan ng bayanihan. May mga grupo o cluster na binubuo ng 10 pamilyang magkakalapit/magkakatabi. Inuunang pagtutulngang itayo ang mga bahay ng mga bulnerableng pamilya –mga bahay ng senior citizen o mga bahay na nanay na lamang ang nagtataguyod sa kanilang pamilya, at mga bahay ng mga PWD. Naging mahirap sa umpisa pero nagawang tapusin ng mga tao ang proyekto gamit ang pamamaraan na yun. Masasabi ko na maraming naging magandang resulta ang nagawang shelter project sa aming barangay. Nagawang magbayanihan para sa barangay na nagpakita na may napakalaking kapasidad pala kami. Nakita namin na ang pagtutulungan pala ay makadulot ng mas mabilisang paggawa at mas mura nguni’t maayos na paraan sa pagtayo ng mga matitibay na bahay.
Napakalaki ng pasasalamat namin sa CARE at ACCORD lalo na sa mga staff na pabalik-balik sa barangay kahit na mahirap ang daan. Ipinapangako ko, at namin sa barangay na hindi masasayang ang mga nadalang tulong sa amin at lalo na sa mga naiturong pamamaraan sa paggawa ng bahay na hindi na namin malilimutan.
Ika-26 ng Nobyembre 2015
to view and download a copy of this story, please click here.