Ugnayan at Bahaginan: The Haiyan Experience | Pagbangon na Ganap

Ni Josephine Badilla

Kasalukuyang Presidente ng Plaridel Livelihood Entrepreneur’s Association (PLEA) isang organisasyon ng maliliit na magsasaka sa Barangay Plaridel, Dagami, Leyte

Nobyembre 25, 2015

 

Dalawang istruktura nalang ang nakatayo sa barangay, lahat ay nakadapa na at nasira. Ganito ang itsura ng barangay Plaridel, Dagami ng manalasa ang bagyong Yolanda. Nang humupa ang malakas na hangin at ulan, natunghayan namin ang nasirang mga bahay at kabuhayan. Ang bukid na dati ay puno ng pananim na niyog at bungang kahoy ngayon ay wala na. Halos mawalan kami ng pag-asa. Paano na kaya kami mabubuhay? May tutulong kaya sa amin?

Walang grupo ng livelihood sa barangay namin bago mag-Yolanda.  Kanya-kanya lang kami sa pamumuhay. Ang mga alagang hayop gaya ng baboy ay nakagala lang sa sentro ng barangay dahil wala namang pananim na masisira. Dati ay nagtatanim kami ng mais at ito ang pangunahing kinakain. Pero buhat ng dumami ang mga niyog ay unti-unting nawala ang pagtatanim ng mais. Kaya laking panlulumo namin ng halos lahat ng niyog ay natumba. Wala na kaming mapagkukunan para pambili ng bigas at iba pang pangangailangan. Sa kabila ng panghihina ng loob pagkatapos ng Yolanda nakita namin na kailangang magtulungan para mapabilis ang aming pagbangon. Kailangan naming magtanim muli, kung hindi kami magtatanim kami din naman ang magugutom. Hindi naman tinangay ng bagyo ang lupa. Nandiyan pa din ito, kailangan lang ang dobleng pagsisikap. Isa ako sa naghikayat sa aming mga kapitbahay na bungkalin ang lupa at magtanim muli upang may makain pagkatapos ng ilang buwan. Nabuhayan kami ng loob pagkatapos ng ilang linggo pagdating ng tulong sa aming barangay. Marami at iba-iba ang dumating na may dalang tulong. Pero naiiba ang ACCORD at CARE. Ihinahalintulad ko ang pagdating nila kagaya ng sa dalawang ibon na dumako sa aming barangay. Dala nila ang pag-asa upang kami ay makabangon muli. 

Ang pera na ibinigay sa livelihood ay ibinili ko ng baboy. Ngayon ay nakapanganak at nakapagbenta na ako ng mga biik. Nagtanim din kami ng mga kamote, kamoteng kahoy at gulay. Napawi ang aming pangamba sa araw-araw dahil may sigurado na kaming magpagkukunan ng pagkain. 

Sa Phase 2 ng livelihood ay nagbuo kami sa barangay ng 6 na grupo. Ang nakuha naming indibidwal na tulong ay pinagsama-sama. Kada grupo ay bumili ng kalabaw, arado, suyod, pala, bara at sprayer. Bawat isang pamilya ay bumili rin ng sariling sundang (bolo). Ang mga gamit na ito ay nagpapabilis ng gawa namin sa pagsasaka.  Ang mga kalabaw ay nag-aararo sa mga personal at komunal na mga sakahan namin. Habang ang iba pang kalabaw naman ay pinanghahakot ng mga kahoy na nakakadagdag sa kita namin.  Mula sa pinagsama-samang pera, naglaan din ng pera ang bawat grupo upang makabili ng binhi ng upland rice. May indibidwal at grupo na nagtanim nito. 

Bago sa amin ang upland rice. Tuwang-tuwa kami ng makapag harvest kami.  Nakapagtabi na din kami ng binhi para sa susunod na taniman. Sa kasalukuyan, mga root crops muna ang itinanim dahil sa  maulan ngayon. Nagbatay kami sa seasonal calendar na nagawa sa Disaster Preparedness Training ng ACCORD. Wala na ring gumagala na baboy ngayon sa barangay dahil lahat ay may tanim na. 

Ngunit hindi kami tumigil sa aming pangarap. Lahat ng oportunidad at mga hamon ay hinarap namin. Gusto namin na magtagal ang proyekto at pinag-isipan namin ng husto kung paano ito maisakatuparan. Dama namin na ang pangunahing pangangailangan namin ay pagkain. Kailangan namin ng bigas, ang pwedeng tumubo sa mabundok naming lugar ay mais.  Kaso walang gilingan. Kaya naisip namin na gawing proyekto ang pagtayo ng gilingan ng mais. Malawak ang aabutin na serbisyo ng corn mill. Hindi lamang ito para sa amin. Maging ang ibang barangay ay pwedeng makinabang dito. 

Dahil sa kagustuhang lalo pang gumanda ang aming pamumuhay, nagsunod-sunod ang mga meeting kasama ang mga myembro, nagpaliwanagan at nagkumbinsihan hanggang sa umabot sa pinal na desisyon na corn mill na ang magiging proyekto namin para sa pangatlong yugto ng livelihood project – ang Community Enterprise Facility (CEF). 

Walang may kaalaman sa amin sa pagtayo at pagpatakbo ng corn mill. Nakita namin ang pangangailangan na mag-aral at matuto upang magkaroon ng kaalaman. Pinuntahan naming ang mga proyekto ng ACCORD sa iba’t ibang bayan na may corn mill para pag-aralan. Kasabay ng pagbuo ng desisyon ay ang pormal din na pag rehistro ng aming grupo bilang asosasyon. Hindi naging madali ang pagbuo ng grupo. Iba-iba ang gusto ng mga tao. Malaking tulong ang pagkakaroon ng malawak na pang-unawa at maayos na pagpapaliwanag sa mga myembro.Sa pamamagitan nito nabuksan ang pananaw ng mga tao at nagkaroon ng pagkakaisa. Ang tingin pa namin ay may kakulangan din kami sa karunungan. Sa mga karanasan lamang kami natuto. 

Tunay ngang nakakapagod pero kapag ang iniisip ay hindi lang para sa sarili kundi ang kapakanan din ng iba, nawawala ang kapaguran ko. Kailangang makinig sa sinasabi ng bawat myembro, pag aralan ang kanilang mga mungkahi at ikumpara ang resulta. Sa organisasyon ay mahalagang matuto kang maki-isa. Kung ano ang pinaka maayos na karanasan ay ito ang dapat mangibabaw. Nagkasundo kami sa grupo na magbayad ng membership fee na P100 bawat myembro at monthly dues na P10. Ang perang nalikom ay ginamit sa pamasahe, photocopy at iba pang gastos ng asosasyon habang naglalakad ng mga papeles. Kung nagkakaproblema din ang myembro dito rin kami kumukuha ng ipapahiram. Layunin nito na may magagamit kaagad ang myembro sa panahon ng kagipitan.

(Ipinarehistro ang Plaridel Livelihood Entrepreneur’s Association (PLEA), ang kanilang asosayon sa DOLE noong Abril ng taong ito upang maging isang pormal na organisasyon na may napapanghawakang papel.) 

Mahirap ang pagparehistro sa DOLE. Malayo ang opisina, sa Tacloban pa. Pabalik-balik kami bitbit ang mga papeles. May nag-alok pa saamin na pwedeng maging fixer sa pag ayos ng papeles namin pero may bayad. Hindi kami pumayag, nagtiyaga kami na mag follow-up dahil gusto naman din naming matuto. 

Sa paglakad ng aming papeles, natuwa kami sa abogadong nag-notaryo para sa min sa DOLE.  Hindi niya pinabayaran ang pagnotaryo niya dahil naintindihan niya ang halaga ng ginagawa namin.  Pinayuhan pa niya kami na pagbutihin ang aming ginagawa. Naging hamon ito sa amin na kahit hindi namin kilala ay sumusuporta sa aming ginagawa.  

Ang aming pagkakaisa at pagbuo ng asosasyon o grupo mula sa dating kanya-kanya ay siyang naging gabay namin para makamit ang ganap na pagbangon. Masaya kaming pinapanday ang maliwanag na umaga para sa aming pamilya at komunidad. 

Darating ang panahon na ang mga anak naman namin ang magpapatakbo ng asosasyon at mas mapapalago pa nila ito dahil nagsimula na kaming turuan sila mula sa aming karanasan. Sila ngayon ay nakakapag-aral na ding muli dahil may kakayahan na rin kahit paano.  Gusto rin naming mangyari na sa panahon na may mangangailangan ng kanilang tulong ay makapagbigay din kami. ***

Dahil sa magandang simulain ng kanilang proyekto, at sa magandang pagtutulungang ipinamalas ng mga miyembro, ang samahan ng mga maliliit na magsasaka sa Bgy. Plaridel ay tiyak na magtagumpay at  maipagpatuloy hanggang sa sunod na henerasyon.  

 

To view and download a copy of this story, please click here.